*Late upload ‘to ng sana eh column ko sa Campus Pub namin*
Masakit isipin, pero eto na yata ang irony ng buhay, na kung sino pa ang mabubuti ay siyang nauunang magpaalam sa maangas na mundong ito, tignan natin ang lagay ni Sec. Jessie Robredo, malamang, sinasabi ng mga nakakatanda sa lugar niyo (dahil malamang sa hindi ay wala ka namang ganong pakialam) na “Bakit siya pa? Bat hindi si *tooot* na lang??” Oo, nararamdaman natin ang presensiya ng kabalbalan sa gobyerno sa araw araw na ginawa ni Bro, actually, hindi lang sa gobyerno, kundi sa bawat institusyon na madadapuli ng utak nating simbagal ng mga processor sa mga karag karag na computer shop, kaya nga may kani-kaniya tayong listahan ng mga pangalan na sana’y mabura na sa mundo, ewan ko lang ba sa inyo kung ba’t nilagay niyo pa sa unahan si Waldo, hirap na hirap tuloy si Kamatayan.
Napakasarap sana isipin, na kung bawat isa sa mga nilalang sa mga opisina ng gobyerno at paaralan*ahem* at kung ano pa mang establisyimento ay may mga Jessie Robredo sa kalooban nila, hindi ganid, simple mamuhay, hindi ginagamit ang posisyon niya sa gobyerno para mauna sa paggamit ng elevator. Ang kaso, sa Parallel Universe lang yun, dito sa totoong mundo, para mo nang sinampal ng Rambo sa mukha ang sarili mo pag humingi ka talaga ng ganitong sistema, ika nga ng bayaw ni De Veyra: “Eh, araw-araw naman ay may opisyal na gumagawa ng katarantaduhan, di ba?”
Ang ibig kong sabihin, kumporme sa respeto, ang paraan ng namayapang lider para makuha ang respeto ng tao ay paraan din SANA ng bawat isa sa atin para makamtan kung ano man ang misyon natin sa buhay, sa paraang malinis, walang bahid anumalya, yung alam mong hindi siya nirerespeto dahil sa takot ng tao sa kanya, bagus nirerespeto siya dahil sa pagmamahal ng mga nasasakupan niya sa kanya, makatao - hindi magpapakabisor na uutusan ang isang lisensiyadong inhinyero na humarap ng walong oras sa isang Xerox machine na ipinatong sa desk na dapat sana ay ginagamit ng isang may Ph. D para sa mga paper works niya, kung ako yung tituladong tao at ginanyan mo ko, mumurahin kita, hindi ako nagsumikap magkaroon ng kadikit na titulo sa pangalan ko para lang utus-utusan ng kung sinong appointee at bastusin sa trabaho ko, p** y*.
Eto ang kinalulungkot ko, nabubuhay ako sa isang lipunan kung saan ang sukatan ng respeto ay hindi sa talento o sa kung ano bang maganda ang nagawa mo sa kapwa mo, sinusukat ng mga tao ang respeto base sa edad ng tao at aspetong pampulitikal isama mo na ang binanat na mukha, anak ng tokwa, kaya kahit gaano ka katalentado sa bubot mong edad, hihiyain ka lang ng nakakatanda sa’yo, na mas mataas ang disposisyon sa lipunang ito kumpara sa’yo. Hindi laging totoo na ang wisdom ay karugtong ng edad. Maaring ang mga experience mo sa buhay ang magpakita sayo ng tamang diskarte at galawan para paunlarin ang sarili mo kasabay ng pagaambag mo ng kabutihan para sa bayan mo, kahit pa unang beses ka pa lang maaalukan ng oops teka alam mo na sa susunod na taon.
Ang sukatang ito rin ang dahilan kaya nakasakay sa mga nagmamahalang SUV’s ang mga paborito mong artista na ang alam lang naman ay magpacute tuwing tatabunan mo ng kolorete ang mukha nila. Hindi ka nakatingin sa talento at abilidad ng tao, nakatingin ka sa mukha niya at sa upuan niya na nakuha lang naman niya dahil para siyang linta.
“Pare, ‘pag tayo namatay at hindi ganito ang reaksyon… baka sabihin wala tayong ginawa. Sabi ko pa-cremate ka agad” – Sec. Butch Abad
Pabiro ‘tong sinabi ni Sec. Abad, hinggil ito sa paguusap nila ni Sec. Cesar Purisima, pero ang lalim ng pinaghuhugutan. Sinasabi nitong pagbutihan mo ang ginagawa mo, at hindi lang ang mga kumpare at alalay mo ang magmamahal sa’yo, kundi buong bayan. Nawa’y magkaganito din sa atin, yung birong ‘lahat ng namamatay ay bumabait’ ay magkaroon sana ng magandang sense na sadyang mabuti na yung tao kahit buhay pa siya, pero, sa tingin niyo, pakiramdam ko sinasabi ko na din na mamatay na yung taong tinutukoy ko enoh? :D



